Masarap tanawin ang nakaraan. Puno ito ng masayang mga alaala na binibitbit natin sa kung saanman tayo magpunta. Ang sarap pag-usapan ang mga bagay sa nakaraan dahil siguro napakarami na ang nagbago mula noon. Ang panahon ng aking kabataan ay ibang-iba na sa panahon natin ngayon. Ngayon, balikan natin ang ating mga kabataan.
Kabataan. Isang salita lamang ngunit marami nabalik sa isipan kapag narinig ang salitang ito. Para sa akin, ang aking kabataan ay nakikita ko sa iba’t ibang bagay. Nakikita ko ito sa mga laro, sa mga palabas, sa mga artista na aking mga idol, sa aking mga kinagawian, at maraming iba pa.
Isa sa mga bumuo ng aking kabataan ang mga teleserye. Naalala ko na pagdating sa paaralan, didiretso ako sa aking mga kaibigan at makikipagkwentuhan tungkol sa nangyari sa aming mga paboritong palabas. Mula pagkabata, uso na ang panonood ng mga teleserye sapagkat isa itong paraan upang makasama ang pamilya.
Masasabing isa na sa kultura ng mga Pilipino ang panonood ng teleserye sa gabi pag-uwi mula sa kanilang mga trabaho. Ang mga teleserye kasi ay kadalasang sumasalamin sa lipunan na ginagalawan natin at nakakapagbigay saya ang mga palabas na ito tuwing nalalagpasan ng mga bida ang mga problemang kanilang kinahaharap.
Marami akong naalala mga palabas na talagang tinangkilik ko tulad ng:

Encantadia, 2005

Super Inggo, 2006

Super Twins, 2007

Marimar, 2008

Mara Clara, 2010

Princess and I, 2012
Itong mga ito ay ilan lamang sa mga teleserye na sinubaybayan ko pati na rin ng aking mga kaibigan. Isa sa mga naging paborito ko talaga ang “Mara Clara”. Isa ito sa mga talagang kinahiligan ko noon.
Maikling Teaser tungkol sa Mara Clara:
Ang teleseryeng Mara Clara ay tungkol kay Mara at Clara na pinagpalit noong sila ay bata pa. Lumaki si Mara sa mahirap na pamilya habang si Clara ay lumaki sa mayamang pamilya. Noong sila ay nagkakilala naging malupit si Clara kay Mara. Puno ito ng mga eksenang hindi malilimutan.
Masasabing cliche ang kwento niya sapagkat gamit na gamit na ang tipo ng mga pangyayari sa palabas ngunit hindi ko mapigilan na tangkilikin pa rin ito. Noon ang mga teleserye ay may ilang bagay na halos hindi nawawala sa mga palabas. Ngayon, hindi na gaanong ginagamit ang mga cliche pero may pagkakataon pa rin na nagagamit ito.
Isa sa cliche na madalas na makikita sa Mara Clara ay ang mahirap na bida. Kadalasan mahirap ang bida habang mayaman naman ang kontrabida. Ang mga Pilipino ay mas nakakarelate sa mga mahihirap kaysa sa mga mayayaman. Higit na nakukuha ng mga mahihirap na bida ang simpatya ng mga manonood kaysa sa mga mayayaman. Kadalasan din na maraming paghihirap ang napagdadaanan ng mga bida.
Isa pang bagay na madalas makita sa teleserye na makikita sa Mara Clara ay ang mahirap na nagiging mayaman. Isa siguro sa dahilan kung bakit madalas isama ang “rags-to-riches” na kwento sa mga teleserye ay upang magbigay ng pag-asa sa mga manonood na kaya rin maging mayaman ng mga mahihirap.

Ang pagsulat ng Mara Clara ay sumasalamin sa paraan ng pagsulat ng mga manunulat ng mga teleserye noon. Ang pagbuo nila ng kwento ay magkakatulad noong panahon nila. Lubos din naman tinatangkilik ng mga Pilipino ang kanilang mga kwento kahit masasabing paulit-ulit na ito. Ayon kay Hammer, 2015, ang mga tao na nagaw ang pelikul o teleserye ay may kaalaman sa kung ano ang magugustuhan ng mga manonood kaya kahit alam na nila na may katulad na ang kwento ay gagawin pa rin nila ang pelikula sapagkat papatok pa rin ito sa mga manonood.
Dito rin ako namulat sa mga love teams. Matagal na ang mga love teams ngunit hindi ko masyadong pinapansin ang mga ganoon ngunit ito ang nagsimula na mahilig sa love teams tulad ng KathNiel, LizQuen, at JaDine. Sa kanila nagsimula ang mga love teams ng aming henerasyon.
Ang mga teleserye o pelikula na ginagawa sa Pilipinas ay madalas nakabase sa mga love teams na makukuha. Sila rin ang ginagamit upang i-market ang mga palabas. Ayon kay Belleza(2017), ang mga Pilipino ay mahilig sa pag-ibig at romansa kung kaya’t isa sa talagang tinatangkilik ang mga love teams sapagkat nagpapakita sila ng true love. Ito ang dahilan kung bakit importante sa mga palabas ang love teams.
Sobrang tinangkilik ko talaga ang Mara Clara noon dahil para sa akin, maaaring maging ganoon ang buhay ko. Hinihiling ko noon bilang isang bata na makahanap din ng pag-ibig. Sobrang kilig na kilig ako tuwing may eksena si Mara (Kathryn Bernardo) at Christian (Albie Casino). Galit na galit din ako kapag umeeksena si Clara (Julia Montes).
Bilang isang bata noon, ang mga teleserye ay isa realidad na hindi ko ginagalawan. Ngayon hindi na ako lubos na nanonood ng mga teleserye dahil sawa na ako sa mga paulit-ulit na kwento. Pero noon, kapag hindi ako nanood, hindi ko maiintindihan ang mga pinag-uusapan ng aking mga kaibigan. Tulad ng iba, lubos kong hinihintay ang mag-alas otso upang makanood ng paborito kong palabas ngunit ngayon hindi na gaano kauso ang manood sa telebisyon sapagkat mayroon naman mapagpapanuoran online.
Masarap balikan ang mga alaala noong kabataan. Nabalik ang aking mga naramdaman noong pinapanood ko ang Mara Clara. Lubos kong tinatangkilik ang mga teleserye noon. Hindi ko man sinusubaybayan ngayon ang mga teleserye nananatili sa aking puso ang pagmamahal sa mga teleserye sapagkat isa ito sa bumubuo ng alaala ko ng aking kabataan.
-Trina Osita
Mga sanggunian:
- https://www.pep.ph/guide/tv/11369/commentary-clichs-that-plague-filipino-teleseryes
- http://canto.ph/top-overused-plots-filipino-teleseryes/
- Teleserye: The Emerging Popular Culture of Filipinos. (2016, Dec 31). Retrieved from https://studymoose.com/teleserye-the-emerging-popular-culture-of-filipinos-essay
- https://www.quora.com/Psychology-of-Everyday-Life-Why-are-there-so-many-cliches-in-todays-novels-movies-and-other-media
- https://gulfnews.com/life-style/celebrity/pinoy-celebs/filipino-love-teams-what-s-the-big-deal-1.2018950
- https://www.youtube.com/watch?v=Uw3rV0__r4k
Mga pinagkuhaan ng larawan:
- https://www.pep.ph/guide/photos/9371/20-things-to-know-before-emencantadiaem-2016-starts
- https://en.wikipedia.org/wiki/Super_Inggo
- https://en.wikipedia.org/wiki/Super_Twins
- https://en.wikipedia.org/wiki/Marimar_(2007_TV_series)
- https://en.wikipedia.org/wiki/Mara_Clara_(2010_TV_series)
- https://www.imdb.com/title/tt1758290/
- https://www.pinoyexchange.com/discussion/523315/juliangels-julia-montes-our-princess-is-finally-growin/p64

